PINALAYA din agad kaninang madaling-araw (Marso 11) ang isang high school teacher na dinukot ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu nitong Martes ng hapon.
Hinala naman ng Sulu Police Provincial Office (SPPO) na nagbayad ng ransom money na hindi mabatid kung magkano kaya mabilis ang pagpapalaya ng mga kidnappers sa kanilang bihag na nakilalang si Allyn Muksan Abdurajak, 44.
Sa ulat, dakong 3:30 a.m. nang pakawalan ang biktima matapos makipagnegosasyon ang pamilya ni Abdurajak sa mga kidnappers.
Dinukot ang biktima ng dalawang suspek na mga ASG sa may Bgy. Kajatian, Indanan, Sulu kahapon. ROBERT TICZON