ISA ang nalagas habang 15 naman ang nasugatan nang mahulog sa bangin ang isang overloaded na pampasaherong jeep sa lalawigan ng Sorsogon kaninang 6:15 ng umaga (Marso 14).
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Edmundo Solano Homo, isang magsasaka at residente ng Bgy. Pawik ng Magallanes.
Sugatan naman at agad isinugod sa Sorsogon Provincial Hospital ang mga biktmang sina Domingita Homo, 69; Elena Rosas Jao, 71; Rowena Felicidad Bea, 44; Leonardo Gonza Palangca, 50; Gloria Gamoragan Non, 58; Bernito Bernales Handig, 34; at Leonardo Gonza, Jr., 32, mga residente ng Bgy. Pawik; Amy Antonio, 44; Kolando Hilit, 64; Marilyn Gogola Dollentes, 49; Bartolome Quillopras Abano, 46; at Ma. Theresa Abano, 44, pawang mula sa Bgy. Ginangra; Rowena Felicidarion, 44; Rosalie Bea, 18, at Adelfa Palanca Gonza, 58, mga residente ng Bgy. Salvacion.
Sumuko naman agad sa pulisya at ngayon ay nakakulong na sa Magallanes Municipal Police detention cell at sasampahan ng kaukulang kaso ang drayber ng dyip na si Teofilo Hilit Despabeladera.
Sa imbestigasyon, lumalabas na nawalan ng preno ang dyip kaya bumulusok sa bangin na may lalim na tatlong talampakan sa bahagi ng Bgy. Salvacion, bayan ng Magallanes.
Nalaman din na may kargang aabot sa 40 sako ng semento, bigas at asukal ang nasabing sasakyan na isang pagpapatunay na overloaded ito nang ibiyahe. ROBERT TICZON