TINAYA ng ilang kongresista na kung magtutuloy-tuloy ang cover-up sa Mamasapano incident ay malamang magtagumpay ang isang impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino.
Ayon kay ABAKADA Partylist Rep. Jonathan dela Cruz, siguradong magkakaroon ng snowball sa panig ng mga mambabatas na kakalas sa pakikipag-alyansa sa administrasyon.
“Kung tuloy-tuloy pa rin ang pagtatanggi ng palasyo na ito ay kailangang panagutan ng mabuti at magtutuloy-tuloy ang cover up, palagay ko maantig ang ating mga kasama sa Kongreso. Kasi it will mean na ang presidente Aquino ay hindi na nagiging commander-in-chief o hindi na nagiging presidente. Siya’y nagiging politiko na ayaw managot sa kailangang panagutan,” pagtaya pa ng kongresista.
Paliwanag pa ni Dela Cruz, malaking problema aniya ay ang paglutang sa mga reports na talagang magmula nong lumabas ito hanggang sa kahuli-hulihan ay nagkaroon ng cover up.
Aniya, kapag nagsimula ang cover-up ay siguradong sabog na lahat yon dahil kasama na ang betrayal of public trust pati yong pagsisinungaling na kabilang sa mga grounds ng impeachment.
Kung susuporta, sinabi ni Dela Cruz na masusi niyang pag-aaralan ang articles of impeachment sakali aniyang may magaling na abogadong maghain nito huwag lamang si Atty. Oliver Lozano. MELIZA MALUNTAG