Manila, Philippines – Matinding sinopla ni Senador Panfilo Lacson ang pananaw ni Philippine National Police (PNP) chief, Director-General Oscar Albayalde na pulitika ang pangunahing motibo kung bakit lumantad ang ninja cops sa Senado.
Sa panayam, sinabi ni Lacson na walang katotohanan na pinupulitika lamang siya ni dating CIDG chief, Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaya inilantad nito ang isyu sa November 2013 anti-drug operations sa Pampanga.
Si Albayalde ang provincial commander ng Pampanga nang magsagawa ng anti-drug operation ang pulisya sa pamumuno ni Police Supt. Rodney Raymundo Louie Baloyo,
“Kung sinasabi nanggagaling kay Mayor Magalong ang pag-politicize? Mahirap tanggapin yan. Unang-una hindi nagboluntaryo si Gen. Magalong.,” ayon kay Lacson.
Naunang ibinulgar ni Magalong na nagkaroon ng “agaw bato” sa isinagawang anti-drug operations sa Lakeshore Subdivision, Angeles, Pampanga na pinamunuan ni Baloyo.
Sa halip na 200 kilo ng shabu, ayon kay Magalong, 36 kilo lamang ang ginawang ebidensiya ng grupo ni Baloyo at hindi rin isinumite bilang ebidensiya ang milyong halagang nakumpiska sa raid.
“Talagang pinatawag siya ni Chairman (Senador Richard) Gordon para mag-testify. Kasi nga ang NBP activities sa drug trade na-connect sa ninja cops kaya lumabas ang usapin na napasama si Gen Magalong sa investigation ng SBRC at committee on justice,” paliwanag pa ni Lacson.
Kaugnay nito, pinabulaanan din ni Lacson na may kinalaman siya sa susunod na chief PNP kaya kinaladkad ang pangalan ni Albayalde sa ninja cops.
“ Wala akong kilala sa mga ano ngayon. Wala akong nakasama riyan na directly nagtrabaho under me. At ni minsan hindi ako nakialam sa appointment ng CPNP especially sa ilalim ng pamumuno ni Presidents Aquino and Duterte. Wala, never,” aniya.
“Si Gen Bato naging tao ko pero talagang choice yan ni PRRD na siya maging PNP chief under his term. Pero wala akong pakialam at hindi ko rin malaman kung sino itutulak ni Gen Magalong. Kasi ano mapapala niya, e mayor siya ng Baguio ang dami ring problema roon,” paliwanag pa niya.
Samantala, ayaw nang banggit ni Lacson na may 2 pang heneral sa pulisya ang sangkot sa drug trade.
“ Based sa information, meron. Kaya lang, mahirap na. Hayaan na natin si Presidente magsalita,” ayon kay Lacson. Ernie Reyes
The post Albayalde, sinopla ni Lacson sa ‘pinupulitika’ siya sa ninja cops issue appeared first on REMATE ONLINE.