TAGUIG CITY – HULI na ang pagsisisi para sa mag-asawang nahuli sa aktong nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa inilatag na buy-bust operations ng mga elemento ng Station Anti-illegal Drugs Special Operations Task Force laban sa mga hinihinalang suspects sa Children’s Mini-Park sa harap ng Max Restaurant, Market Market, Barangay Fort Bonifacio ng naturang lungsod, noong Biyernes ng gabi.
Sa report ni PCI Jerry O. Amindalan kay Taguig Acting Chief-of-Police PSSupt. Arthur Felix Asis, dakong 7:30 ng gabi ng mahuli ng mga undercover agents ang mag-asawang suspects na nakilalang sina Adonis B. Eging, alyas Dhon, 29, at Raihana M. Eging, alyas Bebs, 27, at kapwa nakatira sa Blk. 74 Lot 49, Phase 4, Barangay Upper Bicutan, Taguig City.
Sa ulat, matagal ng sinusubaybayan ang mag-asawang Eging ng awtoridad sa illegal drugs dealings nito matapos nilang makuha ang kumpletong detalye mula sa kanilang confidential informer.
Sa inilatag na buy bust nina SPO1 Marvin Zata kasama ang iba pang elemento ng SAID-SOTF, inilantad umano ng dalawang drug pushers ang dalawang maliliit na plastic sachets na hinihinalang shabu kaya agad inaresto ang mga ito.
Sa himpilan ng kapulisan ng Taguig, ikinatwiran ng mag-asawa na kahirapan sa buhay ang nagbunsod sa kanila upang tahakin ang maling landas ng pamumuhay.
Nahaharap sa mabigat na kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng Art. 2 R.A 9165 ang nagsisising mag-asawa.