INAMIN ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya na hanggang Abril pa tatagal ang mga aberya sa MRT-3.
Dahil dito, tuluy-tuloy din ang kontrata ng DOTC sa Global Apt hanggang sa nasabing buwan.
Ani Abaya sa mga kongresista, wala silang pagpipilian kundi ituloy pa ang kontrata ng Global Apt kahit monthly basis ito dahil kung hindi mapipilitang i-shutdown and MRT.
Aminado rin ang kalihim sa pagdinig ng House Committee Metro Manila Development na hindi mabuti ang resulta ng monthly basis na kontrata sa maintenance provider dahil hindi ito makapagplano at hindi makapag-stock ng kailangang gamit para sa MRT dahil walang kasiguraduhan kung hanggang kalian tatagal ang serbisyo.
Ngunit sa paghahanap aniya ng bagong maintenance provider, hahati-hatiin na ng DOTC ang maintenance contract sa iba’t ibang aspeto ng MRT operation.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na hindi lamang iisang maintenance provider ang hahawak ng buong maintenance contract dahil kailangan nila ng mga eksperto para sa signalling, rail at rolling stocks.
Kasabay nito ay iniulat ng DOTC na masisimulan na ang konstraksyon ng MRT 7 na tatahak mula North Avenue hanggang San Jose del Monte, Bulacan. MELIZA MALUNTAG