POSIBLENG magtayo ng business establishments partikular na ang mall sa lugar kung saan tatanggalin ang oil depot sa Pandacan ang pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ani Manila Mayor Joseph Estrada, malaking ginhawa ang napipintong pag-aalis ng oil depot sa Pandacan dahil delikado aniya ito at palagi na lamang na nangangamba ang mga residenteng naninirahan sa paligid nito.
Sa pag-alis ng oil depot ay aminado ang lungsod na maraming residente ang mawawalan ng trabaho ngunit pagtitiyak ni Estrada na maghahanap ang pamahalaang lungsod ng ibang alternatibo para sa mga ito.
Ito aniya ay dahil sa mga itatayo nilang business establishments sa lugar.
“Maraming makukuhang trabaho doon sa mga itatayong business establishment sa parte ng oil depot. Puro mga business establishment ang ilalagay doon,” aniya pa.
“Malaking ginhawa [ang pag-aalis ng Pandacan oil depot] kasi delikado. Nangangamba ang nakapaligid doon,” aniya pa.
Nauna rito, pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyong nag-aatas sa mga oil companies na alisin na ang kanilang mga oil depot sa Pandacan dahil sa posibleng panganib na idulot nito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN